Pagbabalik-Tanaw sa Martial Law

Ngayong Setyembre 21, 2012, sa araw ng Ikaapat na pung Anibersaryo ng Batas Militar, ginugunita natin ang kasaysayan at kahulugan ng Martial Law sa buhay natin. Ayon kay Lelia Matilde Perez Valdes, isang aktibista at dating bilanggo sa Villa Grimaldi sa Chile, importante ang paglingon sa nakaraan hindi upang buhayin ang mga lumang sugat at galit, ngunit upang pagnilayan ang sanhi ng Batas Militar, at upang paigtingin ang pagpapahalaga ng Pilipino sa kalayaan at karapatang pantao.


Si Valdes ay isa sa mga banyagang kamakailan lang ay bumisita at ipinakita sa ating bansa na kahit ang mga bikitma ay maaring pumulot ng aral mula sa madilim na mga panahong lumipas. Kailangan nating alamin, aniya: “Bakit nangyari ang pagmamalabis? Paano pinalagpas ng ating lipunan ang Batas Militar at paglabag sa mga karapatang pantao?”


Sa Ikaapat na pung Anibersaryo ng Martial Law, marahil panahon na upang hanapin natin ang sagot sa mga tanong na ito. Panahon na upang alamin natin—ano ba ang kaya nating gawin upang matiyak na ang kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino ay nirerespeto’t pinangangalagaan? Paano natin bibigyang hilom ang mga sugat, at paano bibigyang katuparan ang pag-asa ng bawat Pilipino para sa buhay na malaya, mapayapa at may dignidad? Ang hamon ng nakaraan ay hamon pa rin ng kasalukuyan. Magkaisa tayo’t harapin ang hamon ng Martial Law.

Revolution Revisited Photographs

(Photographs from: Revolution Revisited, Kim Komenich and Bancroft Library.)





April 19, 2014 22:28:51